ginisa

ang sibuyas.
ang sibuyas ay malupet.
busog sa pera, sa salita
hinog sa atensyon
na inaagaw nito sa
mumunting kamatis.
pulang kamatis.
pula sa labas
ngunit sa loob ay hilaw.
maasim at hilaw.
pagkahilaw na dulot
ng mantikang palutang lutang
at walang pakealam
kundi palubutan lamang ang sibuyas
ang sibuyas na malupet.

ang sibuyas ay malupet.
ang katas nito’y subukan langhapin
at epekto’y luhang mahapdi.
maanghang at mahapdi.
sa bawat singhot
nanunuot ang pait
na mapanikip sa hininga.
hanggat susuko nalang at iiyak
sa santabing
madilim.
malamig at madilim.
ngunit puno ng mga diablong sa ngiti’y
kumikinang sa yaman
na tulad din ng sibuyas na malupet.

ang sibuyas ay malupet.
duyan ng luho
at sukdulan ng inis.
ng atensyon. atensyon. atensyon.
oras ay mas matimbang
at ang ipamuka ito’y
hindi kasalanan.
kabiguan.
ngunit hindi kasalanan.
may bahid ng nakaw sa pansin
hintayin mo’t sisindihan na
ang apoy na galing sa posporo.
gigisahin kita, sibuyas.
dahil hindi ko kayang higitan ang kalupetan mo.

One Response to “ginisa”

  1. Cirdec Says:

    shet. sinasaluduhan ko ang sinumang kayang gumawa ng tula tungkol sa sibuyas. lalo na sa ganyang kaastig na pamamaraan. whoa.

Leave a Reply