pikit

ang init ng patay na bentilador
saliw sa init ng iyong katawan
na siyang patibong sa akin
wala na ang mabangis na bukas
pagkat ibig ko lama’y manatili
sa madilim na apat na sulok
ng kuwartong iyong hawla.
gumagalaw ang oras
alas tres, alas kwatro, alas singko.
ang mundo’y tulog sa tahimik
at payapang kalawakan.
masdan mo ang mga tao
lumalagok sa baso ng pangarap
ng panaginip, ng alak ng pag-asa.
di mo ba ibig ni minsang umalis
nang makawala sa madilim
na pagkakatali sa kanya?
iwan mo ang lahat, huwag mangamba
bumitiw lamang at may sasalo
hayaang pumikit at kahit madilim
maaring may hiwagang babalot.
may kamay na naghihintay kalasin
ang posas na kinakalawang na.
magpahinga, itigil na ang pag-iisip
ang mga butil ng pawis ay
mawawala ring saglit.
minsan kailangan ding pumikit
para makatulog.

Leave a Reply