Archive for September, 2007

kape

Friday, September 21st, 2007

isang taon.
kay rami nga namang nagbago.
mula sa gupit ng buhok,
sa size ng pantalon,
sa paboritong kulay
sa paglipat ng tirahan
hanggang sa grupong kinakasama.
mga pilosopiyang nagbago
–binago ng mga araw na
tila ipo-ipo kung magdaan.
malakas ang hangin.
kailangang magbago.
kailangan ding tumakbo pag walang payong
pero ‘wag ngayon,
‘wag ngayon.
kung dati’y nahihiyang umupo sa sahig
ngayo’y nakahilata’t nakahiga pa.
tunay nga namang nawalan na ng upos
at maliit na usok na lamang ng kandila ang natira.
sino ba naman ang mag-aakalang
dito rin pala ang hantong ng isang magiting na mandirigma–
napapagod rin pala.
kala dati’y mahiwaga
ngunit ngayon ay takot na ring sumabak sa nanunugat na butil ng ulan
nais mabasa–
ngunit takot mapaliguan ng dungis ng mga luha
ng kasalanang sa tubig ay nakiisang anyo na rin
wala na nga,
wala na nga.
wala na siya.
hindi na tulad ng dating kahit bagyo pa man ang kalaba’y
patuloy ang pagsugod.
hindi na tulad ng dating kahit inaasahang marupok na ay
lalaban pa rin.
wala nang ibang magawa.
kundi ang umupo dito.
at magintay.
maghintay na patawarin ng ulang may kapangyarihan.
kapangyarihang burahin ang naisulat
sa papel na tumutulo ng buhay na nagdaan.
wala na ngang magagawa.
kundi maghintay.
hanggat tumahan ang pagbuhos.
sa aking pagninilay ngayon ay napagtanto
pano pag naubos na ang kape,
patuloy pa rin bang
maghihintay
hanggang tumigil ang ulan?

kabit

Monday, September 3rd, 2007

nakita ko ang kanyang mukha
ang kanyang mata
ang kanyang ngiti
na iyong dulot sa kanya..

ikaw na lalaki
na minsa’y naging sandalan
kanyang tanging kanlungan
kanyang ilaw sa dilim;
ikaw–
ikaw ang kanyang pangarap,
ang kanyang pag-asa,
kanyang pag-ibig.
hindi mo ba pansin
ang kanyang mga luha
pait sa kanyang puso
pagdurugo–
hapdi sa sikmura’t
paos na kalamnan
tila isdang nasa ere
animo nawalan ng hininga.
nagbubulag bulagan
nang hindi na masisi..

at ako–
ako na babaeng
tila walang pakialam
dumaraan lang na parang hangin
ngunit habagat kung manira
parang lason sa ugat
dumadaloy na parang dugo
unti unting kumakatas
unti unting nanunuot
hanggat manuyot
nang di namamalayan..

takot ako sa iyo.
ang muhka mo’y tila multo
multong bumabangungot
sa konsensyang pilit kong iniisantabi
ang mga ngiti mo’y
tumatagos sa aking kaluluwa
kung may nananatili pa nga ba.
sa iyong mga mata
ako’y nadudurog
narurupok
ang katauhan ko’y nabubulok
at ang puso, naaagnas.

patawad..
hiling kong bawiin
ang kahibangang ito
subalit..
tulad mo
siya rin ang aking pangarap.
tulad mo
ako rin ay tao.
patawad..

pikit

Monday, September 3rd, 2007

ang init ng patay na bentilador
saliw sa init ng iyong katawan
na siyang patibong sa akin
wala na ang mabangis na bukas
pagkat ibig ko lama’y manatili
sa madilim na apat na sulok
ng kuwartong iyong hawla.
gumagalaw ang oras
alas tres, alas kwatro, alas singko.
ang mundo’y tulog sa tahimik
at payapang kalawakan.
masdan mo ang mga tao
lumalagok sa baso ng pangarap
ng panaginip, ng alak ng pag-asa.
di mo ba ibig ni minsang umalis
nang makawala sa madilim
na pagkakatali sa kanya?
iwan mo ang lahat, huwag mangamba
bumitiw lamang at may sasalo
hayaang pumikit at kahit madilim
maaring may hiwagang babalot.
may kamay na naghihintay kalasin
ang posas na kinakalawang na.
magpahinga, itigil na ang pag-iisip
ang mga butil ng pawis ay
mawawala ring saglit.
minsan kailangan ding pumikit
para makatulog.